-- Advertisements --

Naglabas ng panuntunan ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay sa pagbiyahe ng mga opisyal ng Pilipinas Patungong Taiwan.


Naglabas kasi ng Memorandum Circular No. 82 ang Malakanyang na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang April 15,2012.

Ang nasabing guidelines ay alinsunod sa Executive Order no. 313 na nilabas nuong 1987 na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na bumisita sa Taiwan at tumanggap ng opisyal na delegasyon.

Malinaw sa direktiba na sakaling magtungo ang mga opisyal sa Taiwan ay kailangang may pahintulot ito sa Office of the President at Department of Foreign Affairs (DFA).

Batay sa inilabas na circular saklaw sa mahigpit na restrictions sa pagbiyahe sa Taiwan ang Presidente, Vice President, mga kalihim ng DFA at Department of National Defense.

Sa mga opisyal na pupunta sa Taiwan para sa layuning may kinalaman sa economic, trade and investment, inaatasang gumamit lamang ng ordinaryong pasaporte at hindi ang kanilang opisyal na titulo.

Kinakailangan ding ipagbigay-alam sa Manila Economic and Cultural Office o MECO ang layunin ng kanilang byahe bago pa man umalis at makipag-ugnayan sa ahensya habang nasa Taiwan.

Matapos ang byahe, obligado rin silang magsumite ng ulat sa MECO at DFA.

Maaari namang tumanggap ng mga Taiwanese delegation kung ito ay para sa mga economic, trade, at investment purposes, basta’t idadaan sa MECO, at may abisong limang araw bago ang pagbisita, at magsusumite rin ng ulat sa MECO at DFA.

Bukod dito, ipinagbabawal din ang pagpirma ng anumang kasunduan, memorandum of understanding, exchange of notes, o kahalintulad na dokumento sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Taiwan nang walang kaukulang clearance mula sa DFA at otorisasyon mula sa OP.

Layon ng kautusan na mapanatili ang One-China Policy at sa parehong panahon ay mapalawak pa rin ang oportunidad para sa pag-unlad ng mga pangunahing sektor ng bansa, partikular sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.