Tiniyak ng Ehekutibo ang mahigpit, malinaw, at agarang implementasyon sa 2026 national budget upang matiyak na ang pondo ay makikita, masusubaybayan, at tunay na mapapakinabangan ng taumbayan.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ito ay hakbang tungo sa mas maayos at makatarungang pamamahala.
Ipinahayag ni Recto na ang pambansang badyet ay “budget ng bawat Pilipino” na kumakatawan sa pinakamalaking pamumuhunan ng pamahalaan sa kasaysayan para sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, at serbisyong panlipunan.
Binigyang-diin ni Recto, naka sentro ang pondo sa mga silid-aralan, health center, sakahan, komunidad, at sa kinabukasan ng mamamayan, habang pinatitibay ang ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang maramdaman ang kaunlaran hanggang sa barangay level.
Pinagtibay rin ng badyet ang suporta sa mga sundalo, pulis, at sa mga uniformed personnel.
Gayunman, sinabi ni Recto na ang tunay na sukatan ng badyet ay nasa maayos at tapat na pagpapatupad nito.










