-- Advertisements --

Nakatakdang maglalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng isang executive order upang ipatupad ang price cap na P50 kada kilo para sa imported na well-milled rice.

Ayon sa Pangulo, “Ilalabas natin ang Executive Order para maipatupad na ito sa lalong madaling panahon,” kasunod ng pulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport Committee.

Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, pinalalawak din ang P20/kilong bigas na programa ng pamahalaan. 

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 627 na distribution centers sa buong bansa.

Mula sa dating 600 toneladang suplay, umakyat na ito sa 2,000 tonelada dahil sa pagtaas ng demand.

Ang nasabing hakbang ay batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council na siyang namamahala sa pagmomonitor at pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi rin ng Pangulo na nananatili sa suggested retail price ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang bigas. 

Patuloy umano ang pagsisikap ng gobyerno na kontrolin ang presyo ng 205 commodities sa gitna ng kasalukuyang krisis sa enerhiya.

Patuloy din na nakikipag ugnayan ang pamahalaan sa mga manufacturer at retailer na hindi muna sila magtaas ng presyo hanggang sa susunod na buwan.

Samantala, nilagdaan din ng Pangulo ang Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East. 

Sa ilalim nito, binibigyan siya ng kapangyarihan na magpatupad ng mga hakbang para sa fuel at energy allocation, gayundin ng mga programang pangtipid sa enerhiya.

Kasama rin sa kautusan ang pagpapatibay sa UPLIFT bilang kabuuang framework ng pamahalaan para sa koordinadong pagtugon sa mga suliranin sa kabuhayan, industriya, pagkain, at transportasyon.