-- Advertisements --

Dinipensa ng Palasyo ng Malakanyang ang pagtalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kay Justice Secretary Boying Remulla bilang bagong Ombudsman.

Sinabi ni Gomez, dumaan sa masusing proseso ang pagkakapili kay Justice Secretary Boying Remulla. 

Dagdag pa ni Gomez, dahil sa mahabang serbisyo bilang mambabatas, gobernador, at abogado, nakuha ni Remulla ang malawak na respeto dahil sa kanyang integridad at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.

Ayon kay Secretary Dave Gomez, dumaan sa masusing pagsusuri o vetting process ng Judicial and Bar Council (JBC) si Remulla bago maitalaga sa posisyon.

Sinabi ni Gomez, walang sapat na batayan ang mga pangamba na hindi magiging impartial si Secretary Remulla.

Siniguro ni Gomez na buo ang tiwala ng administrasyon kay Remulla na magiging patas sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang Ombudsman.

Sa tanong kung bakit si Remulla ang pinili sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Gomez na hindi ito maaaring ituring na “pinaka-kontrobersyal” sa mga nominado. Aniya, lahat ng dumaan sa proseso ng JBC ay sinuri at pinag-aralan nang mabuti.

Itinalaga si Remulla bilang kapalit ni dating Ombudsman Samuel Martires na nagtapos ng kanyang termino noong Hulyo.