Binigyang papuri ng Palasyo ang mga organizers ng Southeast Asian (SEA) Games sa pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa trabaho nitong tinuring na “exceedingly well done,” matapos ang kamangha-manghang opening ceremony ng nasabing biennial event sa Philippine Arena noong Sabado, ika-30 ng Nobyembre.
“The opening ceremony of the 30th SEA Games was a sight to behold,” pahayag mula sa Malacañang.
Ayon pa sa kanila, ang “eyecatching sports and musical extravaganza” ay ‘di pinalampas ng Singapore’s The Strait Times, na nagsabing, “It took just two hours to wipe away a week’s worth of bad headlines.”
“Undoubtedly, the ceremony demonstrated the redoubtable ability of the Philippines to host the biggest sporting events in the world and entertain our foreign guests with the kind of merriment that we Filipinos excel and are famous for,” saad pa ng Malacañang.
Idinagdag din nito na nagtakda na rin ito ng mataas ng pamantayan para sa mga nais mag-host ng mga international sporting events.
Umaasa rin ang Malacañang na sa tulong nitong “event extraordinaire” ay maging maganda ang pagsasagawa ng mga gaganapin na palaro “until our foreign guests leave the country, bringing with them beautiful memories forever etched in their hearts.”
“Such a delight to watch a night where all Filipinos, regardless of age, social or political status and location, went in droves to show their support to the country’s hosting of the 30th SEA Games,” dagdag ng Malacañang.
Pinuri rin nila ang mga performers, at ang lokal na media outfits, gayundin ang mga manunulat at bloggers “for reporting with accuracy the success of the ceremony.”
“For us, this ceremony should remind us that with unity, camaraderie and support, #WeWinAsOne,” nakasaad pa sa pahayag.
Pilipinas ang host ng ika-30 na edisyon ng nagpapatuloy na SEA Games na magtatapos hanggang ika-11 ng Disyembre 2019.
Una nang pinuri ng Filipino netizens, mga artista at mga politiko ang kamangha-manghang grand opening ceremony na nagsilbing hudyat ng simula ng Southeast Asian Games na ginanap sa Philippine Arena sa Bulacan noong ika-30 ng Nobyembre.
Pinalakpakan ng mga pinuno ng ilang National Olympic Committees kagaya ni Malaysian Olympic Committee President Mohamad Norza Zakaria at Indonesian NOC chief Raja Sapta Oktohari ang pagsisikap ng Philippine Olympic Committee at ng buong Pilipinas sa pagkakaroon ng lakas ng loob na mag-host ng SEA Games na mayroong 56 na laro.
Kahit ang mga atleta mula sa ibang nasyon ng Asean ay pinuri ang mga pasilidad sa Athletes’ Village sa New Clark City. Sinabi ng isang atleta mula sa Brunei na maliban sa magagandang pasilidad, humanga rin siya sa pagiging sensitibo ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng halal na pagkain para sa mga Muslim na atleta.
Dagdag pa rito, iba’t-ibang uri ng putahe at lutuin ang inihahanda sa kusina ng Athletes’ Village na bukas 24 oras upang mapagsilbihan ang mga atleta ng almusal, pananghalian, hapunan, at meryenda.
Bago pa ang opisyal na opening ceremony ng palaro, nalugod din ang mga journalist sa mga paghahandang ginawa sa media center sa Clark kung saan may mga desktop computer, master control room, massage chairs, dining hall at media lounge na isinaayos at ginawa para sa kanila.
Dahil sa 49 na medalyang nakamit na ng bansa sa mga oras na ito, nangunguna pa rin ang Pilipinas sa 30th SEA Games’ medal tally na mayroong 25 gold, 15 silver, at 9 bronze —kung saan nalagpasan na nito ang sariling 24-gold medal output mula sa 2017 edition ng regional sports meet.