-- Advertisements --

Inumpisahan na ngayong araw ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ang kaniyang boxing training bilang pagkasa sa hamon ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte.

Ani Torre, seryoso niyang tinanggap ang hamon para na rin sa potensyal na fund raising event na ito uapang makatulong sa ibang mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at malalakas na pagulan nitong mga nakaraang linggo.

Bagamat may mga ilang nagbibigay ng kanilang mga tulong para makahanap ng venue, kinumpirma ng hepe na nakaset na ang Rizal Colisuem bilang pagdadausan ng boxing match nila ni Mayor Baste sa darating na Linggo.

Sa kasalukuyan naman ay wala pang pormal na sagot si Mayor Baste kung tutuloy siya sa laban kontra kay Torre ngunit sa kabila nito ay nanindigan ang hepe na kahit hindi sumipot ang alkalde ay may mga nauna na ng magpaabot ng tulong para sa donasyon na ipamamahagi sa mga lubhang naapektuhan ng bagyo at habagat.

Samatala, ikinatuwa naman ng hepe ang interes ng publiko sa posibleng boxing match nila ng alkalde.

Aniya hindi ito isang pagpatol ngunit isang oportunidad na maaaring magamit upang makalikom ng sapat na pondo na siya namang magagamit para makatulong sa mga mamamayang nasalanta ng bagyo.