-- Advertisements --

Binweltahan ng Palasyo ng Malacañang si Vice President Sara Duterte dahil sa pagpapakalat ng fake news.

Ito’y matapos nitong sabihin na sangkot umano si First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang insidente sa Amerika kung saan may namatay at may kinalaman sa ilegal na droga.

Binigyang-diin ni nVP Sara na ito raw umano ang dahilan kung bakit hinuli si dating Pangulong Rodrigo Duterte para pagtakpan ang umano’y kinasangkutang isyu ng Unang Ginang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, base sa naging pahayag ng pangalawang Pangulo lumalabas ngayon na siya na mismo ang nagpapakalat ng fake news na isinasangkot ang First Lady sa isang insidente na walang batayan.

Giit ni Castro, walang katotohanan ang pahayag ng Bise Presidente.

Paliwanag ni Castro, March 10 pa lang ay nasa Pilipinas na ang First Lady, at March 11 ay dumalo ito sa isang opisyal na aktibidad kasama ang mga kinatawan ng Girl Scouts of the Philippines.

Kaya’t imposible aniyang maikabit sa kanya ang insidente sa Amerika.

Dagdag pa ng Malacañang, kawalan din ito ng respeto sa Girl Scouts of the Philippines, dahil pinalalabas umano ni VP Sara na hindi totoo ang naturang aktibidad.

Dahil dito, kinwestyon ni USEc Castro kung dapat pang paniwalaan ang mga sinasabi ng Bise Presidente, na umano’y syang pinagmumulan ng fake news at disinformation.