Naghain ng House Resolution ang mga mambabatas ng Makabayan bloc para imbestigahan ang 1,593 na umano’y insidente ng anomaliya may kinalaman sa 2025 midterm elections.
Kabilang sa umapela ng imbestigasyon sa pamamagitan ng paghahain ng House Resolution 2291 ay sina House Deputy Minority Leader France Castro, House Assistant Minority Leader Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Ayon sa mga mambabatas, idinokumento ng ilang mga election watchdogs kabilang na ang National Movement for Free Elections (Namfrel), Kontra Daya, VoteReportPH at Computer Professionals Union ang umano’y mga anomaliya sa halalan.
Kabilang sa mga tinukoy na anomaliya ay ang halos 800 kaso kaugnay sa isyu ng automated counting machines, 200 kaso ng iligal na pangangampaniya, 144 kaso ng voter disenfranchisement at 451 iba pa na paglabag sa halalan kabilang ang non-compliance ng Board of Election Inspectors, red-tagging, election-related violence at harassment, vote buying at vote selling, tampering ng mga balota, disinformation at iba pa.
Tinukoy din ng mga mambabatas ang kawalan ng Voter Verified Paper Audit Trail sa Online Voting and Counting System na ginamit sa overseas voting, posibleng paglabag sa Section 6 (e) ng Automated Election System law at disqualification ng mga botante na hindi maberipika ang kanilang mga boto na nagresulta umano sa mababang voter turnout sa ilang mga overseas regions.
Nakasaad din sa resolution na maliban sa technical issues at voter disenfranchisement sa mismong halalan, nagkaroon din ng mga iba pang mga isyu may kinalaman sa halalan, bago, sa kasagsagan at pagkatapos ng eleksiyon na nakasira aniya sa integridad at kredibilidad ng resulta ng halalan.
Bilang tugon dito, sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson Rex laudiangco sa isang statement na nakahandang humarap ang poll body sa Kongreso sakali mang ipatawag sila para ipakita ang katotohanan at ipamalas ang matagumpay na halalan.