-- Advertisements --

BEIJING – Nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na matapos ang mga major government projects sa ilalim ng Build, Build, Build program bago siya bumaba sa pwesto sa 2022.

Kabilang dito ang Sangley Point International Airport na target ng Malacañang na matapos sa loob ng dalawang taon.

Sa kanyang pagharap sa mga opisyal ng Cavite Holdings, China Communication Construction Co. (CCCC) at China Airport Construction Group Co. Ltd. na responsable sa proyekto, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat gawin ang lahat para mapadali ang gagawing konstruksyon.

Sa hiwalay na courtesy call, ipinaabot ng mga construction industry delegates mula sa Pilipinas ang kanilang buong suporta sa Build, Build, Build program at ipinanukala ang pagpasa ng batas para matiyak ang pagpapatuloy ng implementasyon ng mga pangunahing government infrastructure projects.

Inihayag ni Trade Sec. Ramon Lopez na kasali sa courtesy call, kapag may ganoong batas, maiiwasan ang pagkakaantala ng mga big-ticket infrastructure projects.

Kasama rin sa courtesy call sina Sen. Bong Go, Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Presidential Legal Counsel and Spokesperson Salvador Panelo, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Energy Secretary Alfonso Cusi at Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana.