-- Advertisements --

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isa na namang Filipina mula sa hinihinalang planadong mail-order bride scheme nito lamang Hulyo 15. 

Ayon sa ulat ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) nahuli ang babaeng pasahero bago ito makasakay sa eroplanong Xiamen Airlines patungong Xiamen, China.

Ayon sa I-PROBES, ang 24-anyos na biktima — na hindi pinangalanan alinsunod sa batas laban sa human trafficking — ay nagsabing siya ay bumiyahe kasama ang kaniyang kapatid upang muling makasama ang kaniyang asawa sa China, na kamakailan lamang daw niyang pinakasalan.

Ipinakita umano niya ang isang marriage certificate bilang patunay ng kanilang civil wedding, at ito’y kinumpirma rin ng tinutukoy niyang kapatid. 

Gayunpaman, napansin ng mga awtoridad ang ilang pagkakaiba at kahina-hinalang detalye sa mga dokumentong isinumite.

Kalaunan, inamin ng biktima na peke ang parehong kasal at ang ipinakitang marriage certificate.

Ikinuwento rin ng biktima na nakatanggap siya ng ₱8,000 mula sa Chinese national matapos ang seremonya, bilang pambayad umano sa mga nagastos niya.

 Ayon sa kanya, nangako ang isang recruiter nang mas maginhawang buhay kapalit ng pagsang-ayon niya sa pakikipagkasal sa naturang Chinese sa isang kasunduang kasal.

Kapwa itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang biktima at ang kaniyang kasamang biyahero para sa karagdagang imbestigasyon at tulong.