-- Advertisements --

Posibleng umabot sa mahigit P180 bilyon ang napunta sa ghost flood control projects mula 2016, batay sa datos mula sa humigit-kumulang 10,000 projects na na-inspeksyon kung saan mahigit 600 ang walang aktwal na implementasyon.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, tinatayang nasa 30,000 ang kabuuang flood control projects simula 2016.

Kung ibabatay umano sa ratio ng natuklasang ghost projects, maaaring umabot sa 6% ng lahat ng proyekto ang hindi umiiral — na katumbas ng P180 bilyong pondo.

Binanggit din ng senador na maliit na bahagi pa lamang ng mga posibleng anomalya ang natalakay ng Senate Blue Ribbon Committee, at naiprisinta na niya sa mga privilege speech noong Agosto at Setyembre ang lawak ng korapsyon sa mga ghost at substandard flood control projects.

Nababahala pa ang senador na ang P110 milyon na naibalik ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara ay maliit kumpara sa kabuuang halagang sangkot, kahit pa inaasahang magbabalik pa siya ng karagdagang P200 milyon sa mga darating na linggo.

Tiniyak ng senador na handa ang Blue Ribbon Committee na makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure, Department of Justice, at Office of the Ombudsman sakaling may lumabas pang bagong impormasyon na magagamit para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot.

Kasabay nito, sinabi ni Lacson na nagsasagawa na ang Senado ng mga hakbang upang maiwasan ang katulad na anomalya sa budget process, kabilang ang pagla-livestream ng period of amendments at pagpapalabas sa publiko ng lahat ng individual budget amendments ng mga senador.

Layunin umano nitong pigilan ang tinatawag niyang allocables, leadership funds, at iba pang anyo ng pork barrel sa 2026 national budget.

Ayon kay Lacson, nagkasundo ang Senado na bigyan ng kapangyarihan si Sen. Sherwin Gatchalian sa pagdedesisyon kung aling amendments ang tatanggapin o tatanggihan.

Sinabi rin ni Lacson na nagpasya ang Senado at Kamara na gawing simple ang bicameral conference committee upang pag-usapan lamang ang mga hindi napagkasunduang probisyon at maiwasan ang pagsisingit ng mga “alien” provision.