-- Advertisements --

Inilabas ng Department of Energy (DOE) ang kanilang survey kung saan 70% ng mga Pilipino umano ang pabor sa paggamit ng nuclear energy bilang bahagi ng pagkukuhaan ng enerhiya sa bansa.

Ang survey ay isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) mula Mayo 6–24, 2024 sa 7,520 adult respondents. Lumabas na naniniwala ang karamihan na makatutulong ang nuclear power sa pagbibigay ng kuryente, pagbawas sa pag-angkat ng langis, paglikha ng trabaho, at pagharap sa climate change.

Malaki rin aniya ang suporta nito sa mga proyektong may kaugnayan sa nuclear power na nakatanggap ng +66 net approval rating ang rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant, habang +45 naman ang sumuporta sa pagtatayo ng mga bagong planta.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, malaking hakbang ito para sa energy transition ng bansa.

Ipinahayag din ng DOE na 76% ng mga tinanong ang nais matuto pa tungkol sa nuclear energy patunay aniya sa pangangailangan ng mas malawak na public education.

Nabatid na ang resulta ng survey ay kasabay ng pagpasa ng Philippine National Nuclear Energy Safety Act at paghahanda para sa Philippine International Nuclear Supply Chain Forum (PINSCF) 2025 na gaganapin sa Oktubre 2–3.