Bago pa man ang pananalasa ng bagyong Gaemi sa mainland China, nagsagawa na ang Chinese government ng paglikas sa coastal fishing communities nito.
Sa Fujian Province, umabot na sa 150,000 katao ang sumailalim sa relokasyon dahil sa pangamba ng pagbaha at matataas na daluyon.
Sinuspinde na rin ang passenger waterway routes sa naturang lugar sa loob ng tatlong araw, kasabay ng pananalasa ng bagyo.
Maliban dito, kanselado na rin ang ilang flights sa Fujian at Zhejiang Province habang sinuspinde rin ang train service sa Guangzhou area, lalo na ang mga rutang dumadaan sa mga lugar na tatahakin ng bagyo.
Kahapon, una na ring inihanda ng mga Chinese officials ang iba’t-ibang measures laban sa mga malalakas na pag-ulan at mga pagbaha, kasabay ng pagbibigay-babala sa mga residente.
Bago ang inaasahang pagbayo ng bagyo sa China, bahagya na itong humina, taglay ang lakas ng hangin na hanggang 140 kph malapit sa sentro nito habang ang pagbugso ay umaabot sa 215 kph, katumbas pa rin ng hurricane 3 sa US.
Maalalang sa paglayo ng bagyong Gaemi (Carina) mula sa teritoryong sakop ng Pilipinas ay taglay nito ang lakas ng hangin na katumbas ng isang Supertyphoon.
Pagpasok sa Taiwan ay tuluyang bumaba ang lakas nito dahil na rin sa pagharang ng malalaking kabundukan ng naturang estado.