Mahigit 1,400 indibidwal ang naasistehan ng Philippine Red Cross (PRC) sa Abril 2, alas-7 ng umaga, sa gitna ng kanilang pinaigting na operasyon ngayong Semana Santa.
Sa kabuuan, 1,412 katao ang naitala sa mga serbisyong medikal, kung saan 1,335 ang sumailalim sa vital signs monitoring.
May 64 kaso ng minor medical concerns gaya ng gasgas, paltos, panghihina, pasa, pagkahilo, pagkaputla, LBM, pilay, pulikat, sugat, pananakit ng tiyan, pangangati, at iba pa.
Siyam naman ang naitalang major cases kabilang ang hypertension, matinding pananakit ng tiyan, at saksak.
Apat ang kinailangang dalhin sa ospital dahil sa mga insidenteng may kinalaman sa maraming pinsala, pagkahulog, pagkawala ng malay, at laslas.
Bukod sa medikal, may walong naitalang welfare assistance: tatlong referral at limang wheelchair assistance.
Upang matugunan ang pangangailangan ng publiko, nagpakalat ang PRC ng 32 ambulansya, isang mobile clinic, 109 first aid stations, 23 welfare desks, 18 foot patrols, at kabuuang 2,000 tauhan mula sa staff at volunteers.
Saklaw ng kanilang operasyon ang 135 lugar kabilang ang simbahan, highway, pantalan, beach, bus terminal, mall, bundok, paaralan, parke, pilgrimage sites, barangay hall, command post, events place, gasolinahan, train station, at AOR.
















