Sa kabila ng patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat at ng Bagyong Maymay, nagtipon-tipon ang mga boluntaryo ng Philippine Red Cross (PRC) upang mag-repack ng tulong-pangkagipitan para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Luzon.
Pinuri ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon ang sakripisyo ng mga boluntaryo mula sa iba’t ibang pamayanan at unibersidad na piniling tumulong sa halip na manatili sa kanilang mga tahanan o paaralan. “Ang espiritu ng volunteerism ang nagpapanatili sa Red Cross. Ang bawat kahon na pino-proseso nila ngayon ay nagpapadala ng mensahe sa bawat pamilya na hindi sila nag-iisa,” pahayag ni Gordon.
Nakatakdang ipamahagi ng PRC ang paunang 2,800 na relief boxes—na naglalaman ng bigas, mga delata, noodles, at kape, sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang, nakalaan ang mga relief pack para sa mga pamilyang paalis na ng evacuation centers at pauwi na sa kani-kanilang tahanan upang may magamit silang pantawid-gutom habang nagliligpit at naglilinis ng bahay. Samantala, patuloy naman ang pamimigay ng ‘hot meals’ sa mga nananatili pa sa mga evacuation center.
Bumisita rin ang mga tauhan ng PRC sa mga bahay-bahay upang suriin ang kalagayan ng mga residente at alamin ang iba pa nilang pangangailangan.
Sa kasalukuyan, nakapagbigay na ang PRC ng hot meals sa higit 11,000 indibidwal, nakapamahagi ng mahigit 14,000 bote ng tubig at libo-libong hygiene kits, bukod pa sa mga naisagawang rescue operation at pagtatayo ng first aid stations sa 53 na lokasyon.
















