-- Advertisements --

Inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC) ang National CPR Day 2026 ngayong Hulyo 17 sa pamamagitan ng isang nationwide CPR Caravan na layong turuan ang mga Pilipino ng tamang kasanayan sa cardiopulmonary resuscitation (CPR).

Tatakbo ang kampanya hanggang Oktubre 16 at dadalhin sa mga paaralan, barangay, terminal, mall, at iba pang pampublikong lugar sa buong bansa.

Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, bawat minutong walang CPR ay nagpapababa ng tsansa ng kaligtasan, kaya’t mahalagang matutunan ito ng lahat.

Dagdag ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang, ang kampanya ay naglalayong gawing accessible ang kaalaman sa CPR sa bawat komunidad.

Target ng PRC na makapagsanay ng 900,000 kalahok ngayong taon, kasabay ng pagpapalawak ng kamalayan sa cardiac arrest at pagtaas ng enrollment sa First Aid at Basic Life Support training.

Noong 2025, nakapagsanay ang PRC ng mahigit 401,000 lifesavers sa higit 2,100 sessions, na naglatag ng pundasyon para sa isang CPR-Ready Philippines.