Pumalo na sa mahigit 10,000 mga indibidwal ang mga inilikas sa Quezon City dahil sa hagupit ng bagyong Paeng.
Sa datos na inilabas ng Quezon City government, umabot na sa 2,610 pamilya o may katumbas na 10,012 na mga indibidwal na mula sa mga lugar na bahain o may banta ng pagguho ng lupa sa nasabing lungsod ang agad na inilikas sa 39 na mga evacuation centers dito.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng kanilang pag-iingat laban sa pananalasa ng nasabing bagyo na dumaan kagabi.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nasa mahigit 6,000 na mga inilikas na residente ay nagmula sa Barangay Silangan, Payatas, at Batasan Hills.
Sa ngayon ay hindi muna pinahihintulutang makabalik ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan hangga’t wala itong clearance mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office.
Wala namang napaulat na mga pagguho ng lupa, na-wash out na mga kabahayan, casualties, at mga nawawalang indibidwal sa lugar sa gitna ng malakas na bagyo.
Samantala, batay pa rin sa pinakahuling update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakalabas na ng landmass ng Pilipinas ang sama ng panahon.