Tumaas pa ang bilang ng mga apektado ng mga pagbaha at mabibigat na pagulang dulot ng nagdaang bagyong Crising, habagat, at low pressure area (LPA).
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules, Hulyo 23, pumalo na sa mahigit 1.4 milyong indibidwal mula sa mahigit 401,000 pamilya ang apektado sa lahat ng rehiyon maliban sa Eastern Visayas.
Nakaranas ang mga nabanggit na lugar ng baha, pagguho ng lupa, pagguho ng mga struktura at mga buhawi.
Pinakamatinding naapektuhan na rehiyon ay sa Central Luzon na may mahigit 600,000 residente ang nasalanta, sinundan ito ng Negros Island na may mahigit 166,000 at Ilocos Region na may mahigit 157,000 na apektadong mga residente.
Sa kabuuang bilang, pumalo na sa mahigit 21,000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers habang ang iba naman na nasa mahigit 13,000 pamilya ay nakikituloy sa labas ng evacuation centers.
Samantala, sa datos ng ahensiya, tumaas na sa pito ang bilang ng nasawi bagamat mababa ito sa datos mula sa Philippine National Police (PNP), dahil ilan sa mga napaulat na biktima ng mga kalamidad ay kasalukuyan pang biniberipika.
Sa ngayon, ilang lugar sa bansa ang nakasailalim na sa state of calamity kabilang ang 2 bayan sa Pangasinan na Umingan at Malasiqui, ang buong lalawigan ng Cavite, ang Malabon at Quezon City sa Metro Manila, Roxas sa Palawan, Calumpit sa Bulacan, Sebaste at Barbaza sa Antique, at Cebu City.