Lalo pang dumami ang mga natunton na mahahaba at malalalim na bitak sa lupa na itinuturong epekto ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa probinsya ng Cebu.
Maliban sa mahahabang bitak sa lupa, kaliwa’t-kanang sinkhole din ang nabuo sa iba’t-ibang lokasyon.
Sa magkakatabing barangay na Bario Diot, Barangay Matinud-anon, at Barangay Punta, San Remigio, Cebu, mahahabang bitak sa lupa ang naka-apekto sa maraming komunidad. Ang mga ito ay dumaan pa sa mga kabahayan.
Unang natunton ng Philippine Institutre of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang fault mula sa Sitio Looc, Barangay Nailon, Bogo City na nag-trigger sa malakas na lindol at nagdulot ng mahahabang bitak sa lupa at mga sinkhole sa mga katabing lugar.
Matapos kuhanan ng drone shot ang naturang lugar ay natukoy na nagdulot ito ng mahahabang bitak sa lupa na umaabot pa sa mga komunidad. Tinawag na ngayon ang naturang fault bilang Bogo Bay Fault.
Sa Brgy. Bitoon sa Daanbantayan, Cebu, isang malaking sinkhole din ang nabuo malapit sa ilang kabahayan. Isa pang sinkhole ang natunton sa Sitio Mayjo, Barangay Paypay, Daanbantayan.
Sa ilang dalampasigan sa Daanbantayan, apat na iba pang malalaking sinkhole ang sinusuri ng ahensiya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang paggalugad ng mga Phivolcs expert, geologists, at iba pang opisyal sa iba’t-ibang bahagi ng Cebu at mga katabing probinsya upang matukoy ang iba pang lugar na mayroong mga sinkhole at malalalim na bitak sa lupa kasunod ng malakas na lindol.