-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaasa pa rin ang naulilang pamilya ni Bombo Bart Maravilla na madakip na ang nasa 75 pang “at large” na suspek sa Maguindanao massacre.

Ito’y kasabay ng ika-12 taong anibersaryo ng malagim na krimen ngayong araw, Nobyembre 23, kung saan isa si Bombo Bart sa 58 biktima ng masaker.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, inihayag ni Jhan Chiene Maravilla, anak ni Bombo “Bart,” mas magiging panatag lamang sila at makakamit ang kabuuang hustisya sakaling mahuli na ang mga nagtatago pang suspek.

Ayon kay Maravilla, hindi makokompleto ang hustisya hangga’t hindi nakukulong ang mga ito.

Samantala taliwas sa nakagawian, limitado o hindi lahat ng kaanak ang pupunta ng Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao habang ang iba ay sa libingan naman ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pamilya Maravilla ay bibisita sa Koronadal Eternal Garden sa Lungsod ng Koronadal kung saan inilibing si Bombo Bart upang magsindi ng kandila, mag-aalay ng bulaklak at panalangin ngayong araw.