CENTRAL MINDANAO- Hinuli ng mga otoridad ang isang magsasaka na miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Jun Cruz Navales,kasapi ng NPA Guerilla Front Committee 53 at residente ng Purok 2 Barangay Inac Magpet Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Maximo Layugan na nagpatupad ng search warrant operation ang Magpet PNP sa pamumuno ni Major Jojie Barotas.

Narekober sa tahanan ng suspek ang 40 mga bala ng M16 Armalite rifle, mga sangkap sa paggawa nang pampasabog at damit ng CPP- NPA.

Dagdag ni Barotas na si Navales ay sangkot sa pambobomba ng Police Patrol Car noong nakalipas na taon sa bayan ng Magpet kung saan isang pulis ang nasawi at dalawa ang nasugatan.

-- Advertisement --

Kasama din ang suspek sa mga NPA na dumukot kay PO1 Bristol Catalan at itinago sa kanyang bahay.

Mariin namang itinanggi ni Navales ang paratang laban sa kanya at sinabi nito na hindsi siya kasapi ng NPA,kasama na ang mga nakuhang bala,damit ng NPA at sangkap sa paggawa nang pampasabog.

Kinumpirma din ni Major Barotas na matagal na nilang minamanman ang suspek na kumikilos sa makakaliwang grupo.

Sa ngayon ay nakapiit na si Navales sa costudial facility ng Magpet at sinampahan na rin ng kaukulang kaso sa korte.