Pinaiimbestigahan ngayon ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation ang sunud-sunod na insidente ng umano’y bomb threat na natanggap ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Ito ay matapos na magulantang ang publiko makaraang magkakasunod na makatanggap ng bomb threat ngayong araw ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City, Schools Division Office sa Bataan, at isang Regional Trial Court sa Cebu City via email mula sa isang nagpakilalang Japanese lawyer na si Takihiro Karasawa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Justice Secretary Remulla na wala dapat lugar ang mga prank o kalokohan sa bansa na nagdudulot lamang ng takot sa taumbayan.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang kalihim laban sa mga indibidwal na nasa likod ng naturang mga bomb threat na hindi ito kokonsintihin ng mga otoridad at tutugisin nila ito para panagutin sa batas.
Samantala, kaugnay nito ay agad na nagsagawa ng panelling at inspeksyon ang lokal na kapulisan sa mga apektadong lugar upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng ating mga kababayan.