DAGUPAN CITY – Agad na binawian ng buhay ang mag-live in partner matapos pagbabarilin sa bayan ng San Fabian sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maj. Melecio Mina, hepe ng San Fabian PNP, naisugod pa sa pagamutan ang mag-live in partner na sina
Patrocenio Malicdem at Solna Parlan matapos silang barilin ng hindi nakilalang suspek.

Base umano sa isinasagawa nilang imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang mga biktima habang binabagtas ang San Fabian-San Jacinto road partikular sa Brgy Angio nang bigla umanong tumigil ang sinusundan nilang dilaw na kotse saka sila pinagbabaril.

Nagtamo ng tama ng bala mula sa caliber .45 na baril ang mga biktima partikular na sa dibdib at ulo kay Malicdem habang sa dibdib naman ang tinamo ni Parlan.

Naisugod pa ang dalawa sa pagamutan ngunit ideneklarang dead on arrival.
Sa ngayon nagsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon sa insedente lalo na’t tumanggi umanong magbigay ng kanilang pahayag ang ilang testigo na nakakita sa krimen.

Bukod dito ay wala rin umanong plaka ang minamanehong Toyota Wigo ng suspek at nakatakip din ang mukha nito kaya’t hindi nakilala ang mga ito.