BUTUAN CITY – Nanawagan na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-asawang taga-Brgy. New Salem, Bayugan City, lalawigan ng Agusan del Sur sa pamamagitan ng pagdulog sa Bombo Radyo Butuan.

Ito’y upang kanilang makuha ang P105,000 cash na kanilang na-pay in sa investment scheme na Asia.

Ayon sa ginang na itinago na lamang sa pangalang Clara, P25,000 ang kanilang na-pay in sa Asia Business Corporation RD Flex Trading nitong Mayo 24 at lingguhan nilang makukuha ang parte ng capital at ang 125% interest nito.

Maliban sa kanilang P25,000 na-invest, sila rin ang umako sa walo nilang mga kapitbahay na nag-pay in ng P10,000.

Sinabi ni Clara, naka-pay out lang sila ng isang beses noong Mayo 31 kung saan ang kanilang nakuhang pera ay kanila ring nai-pay in sa Forex Trading.

Umapela ito kay Pangulong Duterte na tulungang maibalik ang perang inutang lang nila maliban sa kita nila sa ibinentang mga hayop gaya ng kalabaw, baka, kambing, baboy at iba pa.