Iginiit ng isang constitutional law expert na ang kataastaasang hukuman o Korte Suprema ay mayroong kapangyarihan at karapatan na panghimasukan ang Impeachment Proceedings kontra kay Vice President Sara Duterte.
Kung saan binahagi mismo ni Atty. Jennifer Arlene Reyes na maari at posibleng ipag-utos ng Korte Suprema na agarang isagawa ng Senate Impeachment Court ang kanilang paglilitis.
Aniya, ito ay kung sakaling maglabas ang kataastaasang hukuman ng isang desisyon o resolusyon ukol sa legalidad ng isinagawang pagproseso ng senado sa naturang impeachment.
Kaya naman dahil dito ay binigyang diin ng naturang abogado na ang korte suprema ay maaring mag-atas sa mga senator judges na gawin ang kanilang mandato.
Ito’y lalo pa’t kapag nakita at napatunayan ng mayroong ‘grave abuse of discretion’ sa parte ng mga nakaupong hukom na inaasahan sana na gagawin ang kanilang trabaho ng may buong katapatan.
Ngunit binigyang linaw naman ni Atty. Jennifer Arlene Reyes na ang mga senador o senator judges ay hindi maaring tanggalin sa puwesto kahit pa bigo nilang sundin at gawin ng maayos ang pagproseso ng impeachment proceedings.
Paliwanag kasi niya na ito ay dahil sa mayroong kakulangan sa kung anong nakasaad sa kasalukuyang konstitusyon o saligang batas ng bansa.
Aniya’y walang nakapaloob sa batas na maaring matanggal o maipakulong ang mga ito sakaling hindi nila sundin ang naaayon sa probisyon at mandato ng konstitusyon.
Kung saan bibigyang opsyon ang mga senador na kanilang isakatuparan na lamang ang kung anuman ang nararapat at nakasaad sa sinusunod na batas sa bansa.
Kaya naman dahil dito, ang senate impeachment court ay inaasahang gagawin at tutuparin nito ng maayos ang kanilang mandato lalo na sa nakatakda sanang paglilitis kontra kay Vice President Sara Duterte.
Maalala kasi na ibinalik ng naturang korte o isinagawa ang isang hakbang na kung tawagin ay ‘remand’ para bigyang linaw muna sa kamara ang kanilang isinumiteng articles of impeachment sa senado.