-- Advertisements --

Humiling ng karagdagang panahon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya at Sarah Discaya upang maisumite ang mga dokumentong hinihingi ng komisyon kaugnay sa imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay ICI Executive Director at Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, itinakda sa Oktubre 15 ang susunod na pagdinig upang maipasa ng mag-asawa ang mga karagdagang dokumento.

Samantala, sinabi ni Hosaka na sa naging pagdinig ni Senador Mark Villar, ibinahagi ng mambabatas ang mga naging proseso sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong siya pa ang kalihim nito. Dagdag pa niya, hindi na muling ipatatawag si Villar ng komisyon.

Pinabulaanan din ni Hosaka ang mga alegasyon ng umano’y “cover-up” sa imbestigasyon ng ICI, giit niya, papanagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa mga iregularidad sa flood control projects.