Inihayag ng Department of Justice na isinailalim na sa Witness Protection Program ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya kasama pati ilang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Kinumpirma mismo ito ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kasunod ng pagbisita ng mga ito sa kanilang tanggapan.
Aniya’y bukod bukod sa mag-asawang Discaya, kabilang dito sina former Department of Public Works and Highways Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Kaya’t dahil rito’y ibinahagi pa ni Justice Secretary Remulla na itinuturing bilang mga ‘protected witnesses’ na ang mga nabanggit na indibidwal.
Bunsod nito’y nagpadala aniya sila ng sulat kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III upang maipagbigay alam ang patungkol dito kasabay ng mga imbestigasyong isinasagawa.
“We consider them already protected witnesses eh, yun nga. Yung tatlong taga DPWH so far na nagsasalita sa amin ay considered protected witnesses,” ani Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ng DOJ
“Yes we consider them (Sarah at Curlee Discaya) already as protected witnesses and we will write the Senate President about it,” dagdag pa ni Justice Sec. Remulla.
Ngunit binigyang diin ng kalihim na ang hakbang ito ay hindi nangangahulugang state witness na sila kundi para lamang raw mas makakuha pa ng karagdagang impormasyon sa pag-iimbestiga.
Samantala, dumating naman ngayong araw si former Department of Public Works and Highways assistant district engineer Brice Hernandez dito sa Department of Justice.
Dala-dala nito ang kanyang CPU na siyang sinuri at kinuhaan na ng kagawaran ng mga impormasyon posibleng makatulong sa imbestigasyong isinasagawa.
















