KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Koronadal PNP kaugnay sa nangyaring pamamaril sa Prk. Abrenica, Brgy. GPS, Koronadal City nitong Biyernes ng gabi.

Sa report ng Koronadal City PNP, alas-8:20 na ng gabi nang pauwi na ang biktimang si Bryan Padua Togonon kasama ang kaniyang pamilya sakay sa kanilang puting Mirage Mitsubishi matapos bumili lamang ng gatas at bago pumasok sa kanilang bahay ay pinagbabaril na sila ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang mga biktima.

Kaagad isinugod sa isang pribadong ospital si Bryan at ang anak nitong si Nicolo Bryzon Togonon ngunit idineklarang dead on arrival ang menor de edad habang nasawi naman si Bryan matapos na-revive sa loob lamang ng 10 minuto dahil sa natamong mga tama ng bala sa kaniyang katawan.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre .45 na posibleng ginamit ng mga suspek sa krimen.

Patuloy pang inaalam ng Koronadal PNP ang motibo sa naturang insidente.