(Update) BACOLOD CITY – May naaresto ng mga suspek may kinalaman sa pagpatay sa 10-anyos na babae na hinihinalang ginahasa pa sa Murcia, Negros Occidental, Miyerkules ng gabi.

Alas-6:00 kagabi nang inaresto ng Murcia Municipal Police Station, ang mag-amang kapitbahay ng biktimang si Kim Lachica ng Purok Silhigan, Brgy. San Miguel, Murcia.

Sa ngayon tumanggi muna ang hepe ng Murcia MPS na si Major Robert Dejucos na pangalanan ang mga suspek.

Napag-alaman sa hepe na malapit ang biktima sa mag-amang suspek at natutulog pa ito sa kanilang bahay.

Ayon kay Dejucos, kaibigan ng biktima ang 10-anyos din na batang babae ng amang suspek.

Nagtatrabaho sa labas ng bansa ang asawa ng suspek at may tatlo silang anak kasama na ang mahigit 20-anyos na lalaki na kasama nitong inaresto.

Isinailalim na sa technical investigation ang mag-ama sa crime laboratory ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) kagabi.

Tiniyak naman ni Dejucos na kanilang pakakawalan ang mag-ama kung hindi tutugma ang mga ebidensiya sa kanilang kinalaman sa krimen.

Una rito, natagpuan na lamang sa tubuhan ang bangkay ng biktima na wala na ang pang-ibabang damit nitong nakalipas na Miyerkules ng gabi matapos itong utusan na kumuha ng frozen foods sa manugang ng kanyang nakakatandang kapatid.