ILOILO CITY – Pinadalhan ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang limang mga alkalde sa lalawigan ng Iloilo dahil sa kabiguang maabot ang 80% threshold ng pagbibigay ng cash assistance sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP).
Ito ay kinabibilangan ng mga alkalde ng bayan ng Oton, Tigbauan, Alimodian, Tubungan at Leon, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay provincial DILG Provincial Officer Teodora Sumagaysay, sinabi nito na bibigyan ng 48 oras ang mga alkalde na magpaliwanag sa show cause order.
Ayon kay Sumagaysay mismong si Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. ang magpapadala sa mga alkalde ng kopya ng show cause order mula sa DILG.
Napag-alaman na 11 local chief executives sa Western Visayas ang pinadalhan ng show cause order matapos bigong matugunan ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng ayuda sa kanilang nasasakupan.