-- Advertisements --

Nag-alok si House Deputy Speaker at Cebu 5th district Rep. Vincent Franco “Duke” Frasco ng kalahating milyong pisong pabuya para sa mga makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na hahantong sa pagkakadiskubre ng mga anomaliya sa pagpapatupad ng flood control projects sa naturang distrito sa Cebu.

Sa inilabas na abiso ng mambabatas, binigyang diin niyang hindi niya kukunsintihin ang anumang mga iregularidad o substandard na gawa at buong susuportahan ang mga pagsisikap para pairalin ang transparency at pananagutan sa lahat ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Ginawa ng mambabatas ang naturang hakbang matapos ang rebelasyon ni Cebu Citizen Anti-Corruption Watch lead convenor Jun Abines na isa sa anim na flood control projects na nagkakahalaga ng P150 million ay in-award sa construction firm na pagmamay-ari ng contractor na si Sarah Discaya.

Kaugnay nito, hiniling na rin ng mambabatas sa Central Visayas Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para magsagawa ng pagsisiyasat sa lahat ng mga proyekto ng kaniyang distrito kasunod na rin ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa malawakang imbestigasyon sa mga proyekto para sa pagkontrol ng baha.