Hinikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga mambabatas na kaagad maipasa ang indemnication fund law na layuning magbigay ng kompensasyon sa mga indibidwal na posibleng makaramdam ng adverse effects mula sa COVID-19 vaccine.
Sa ginawang pagbisita ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (C.O.D.E) team sa Mandaluyong City, sinabi ni Duque na bago lamang ang bakuna laban sa coronavirus kung kaya’t nais ng gobyerno na na maging handa sa anumang epekto na dala nito.
“Mayroon po tayong binubuo at sana po maisabatas ‘yong indemnification fund law. Ito pong batas na ito hangad nito ay mabigyan ng ayuda o compensation kung sino man ‘yong magkakaroon ng adverse reaction bunsod ng bakuna,” pagpapaliwanag pa ng kalihim.
“Harinawa hindi mangyari pero tama kayo na sa atin pong pagpla-plano, dapat handa tayong tugunan ang mga posibilidad na ganito.”
Hindi naman batid ni Duque kung maaaring isama rito ang actual direct compensation sakaling pumanaw ang indibidwal na tuturukan ng bakuna. Maaari umanong ipakiusap ang paksang ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“‘Yong actual direct compensation hindi ko alam kung puwedeng isama rito kasi sa ngayon, kung ang tanong ay may pumanaw baka puwede naming ipakiusap sa Pangulong Duterte kasi sa kasalukuyan pag namatayan may binibigyan ng PHP1 million assistance sa family so baka puwedeng i-extend sa ganito,” saad pa ni Duque.
Umaasa naman ang kalihim na hindi ito mangyayari ngunit isinama pa rin nila ito sa pagpa-plano upang maging handa ang ahensya sa gagawing pagtugon.
Una nang inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Marikina na isinantabi muna nito ang local indemnification fund upang tulungan ang mga residente na makakaraamdam ng malubhang injuries o adverse effect ng coronavirus vaccines.
Ibinahagi rin ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na maglalagay sila ng post-care monitoring system para obserbahan ang mga indibidwal na babakunahan.