Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na mas maraming lugar sa bansa ang isinasailalim nila ngayon sa quarantine kaugnay sa posibleng presensya ng African swine fever.
Sinabi ni Agriculture Sec. William Dar, nadagdagan ang mga lugar na nasa quarantine pero hindi raw nila pwdeng isapubliko.
Ayon kay Sec. Dar, meron sa Central Luzon pero hindi pa puwedeng sabihin para magawa ang ground zero o “1-7-10” protocol ng DA.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sec. Dar na nababahala sila sa pagkalat ng ASF virus kasunod ng mga inianod na patay na baboy sa Marikina River.
Naniniwala si Sec. Dar na mga itinagong baboy ito ng mga backyard hog raisers para hindi kumpiskahin ng mga otoridad.
Kaya muling nanawagan si Sec. Dar sa mga nag-aalaga ng baboy na agad i-report sa otoridad kung may kaduda-dudang pagkamatay ng kanilang baboy para hindi lalong mapasama ang industriya.