Nagpakita ng suporta ang aktres na si Lucy Torres-Gomez sa kanyang asawa na si Richard Gomez sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games matapos itong manalo ng medalya.
Kalahok si Richard sa Shotgun (Sporting Clay) Shooting Team event sa SEA Games kung saan nagwagi siya ng silver medal, habang nakuha ng Thailand ang gold at Malaysia ang bronze.
Sa kasalukuyan, may hawak na si Gomez ng 2 gold medals, 4 silver medals, at 1 bronze mula nang magsimula siyang sumali sa iba’t ibang sports events.
Mas naging espesyal ang panalo ni Richard nang sorpresahin siya ng kanyang asawa na si Lucy matapos matanggap ang silver medal.
Una nang nagpahayag si Richard na hindi makakapunta ng Thailand ang kanyang asawa dahil sa mga responsibilidad nito bilang mayor ng Ormoc City.
Samantala, nagpasalamat ang aktor sa naging sorpresa ng asawa at sa suporta ng kanyang mga ka-teammate.
Iniaalay naman ni Richard ang medalya sa mga mamamayan ng Ormoc, kung saan siya ay kasalukuyang kongresista.















