-- Advertisements --

Sapat na batayan umano ang insidente sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand upang magsampa ng ethics complaint laban kay Leyte 4th District Rep. Richard Gomez, ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list.

Sinabi ni Ridon na ang umano’y pananakit ni Gomez sa Philippine Fencing Association (PFA) President Rene Gacuma, na nakuhanan sa video at kumalat online, ay nakakasira sa dignidad at reputasyon ng House of Representatives.

Ayon sa mga ulat, inaasahang magsusumite si Gacuma ng reklamo sa House Committee on Ethics and Privileges na pinamumunuan ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos. Nilinaw ni Ridon na maaaring magsampa ng reklamo ang isang pribadong indibidwal at wala umanong naging aregluhan o public apology kaugnay ng insidente.

Dagdag pa ni Ridon, ang anumang parusa laban kay Gomez ay pagpapasyahan ng ethics committee at ng plenaryo ng Kamara.