-- Advertisements --

Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na pinalawig muna nila ang bisa ng ilang lisensya at registration na nag-expire simula Hulyo 1, 2026.

Bunsod umano ito nang naranasang downtime at pagbagal ng Land Transportation Management System (LTMS).

Sakop ng extension ang driver’s license, vehicle registrations, conductor’s license, student-driver’s permit, at medical certificate.

Ibig sabihin, ang mga dokumentong nag-expire mula Hulyo 1 ay mananatiling valid hanggang sa susunod na abiso ng LTO.

Nilinaw din ng ahensya na walang ipapataw na late fees o penalties sa mga mag-rerenew na sakop ng extension habang epektibo ang memorandum Circular No. MVL-2026-5271.

Mananatili ang palugit hanggang sa tuluyang maayos ang problema sa LTMS.

Kapag naibalik na sa normal ang sistema, maglalabas ang LTO ng panibagong memorandum para ipatigil ang extension.