-- Advertisements --

Nag-commute kaninang umaga papasok sa kanyang trabaho si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.

Ginawa ni Asec. Mendoza ang naturang hakbang bilang bahagi ng direktiba na ipinalabas ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa impormasyon na nagmula sa LTO mismo, si Asec. Mendoza ay sumakay ng pampublikong transportasyon, partikular na ang jeep at ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), para magbiyahe mula sa Marikina City patungo sa LTO Central Office na matatagpuan sa Quezon City.

Ang direktiba na ito ay nagmula kay Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez.

Layunin nito na personal na maranasan ng mga opisyal ng kagawaran ang mga pagsubok at hamon na kinakaharap ng mga ordinaryong commuter araw-araw sa kanilang pagbiyahe.

Sa pamamagitan nito, inaasahan na makabuo ang mga opisyal ng mas konkretong hakbang at solusyon upang mapabuti ang kalagayan at sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.

Sa kanyang pagbiyahe gamit ang pampublikong transportasyon, si Asec. Mendoza ay nakipag-usap din at kinamusta ang ilang pasahero na kanyang nakasabay.

Maliban kay Asec. Mendoza, nag-commute rin ngayong araw si LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr.

Una nang ipinahayag ng LTO ang kanilang buong suporta sa kautusan na ipinalabas ni Secretary Lopez.

Ayon kay Asec. Mendoza, ang nasabing direktiba ay isang magandang mekanismo upang magsilbing direktang feedback system mula mismo sa mga opisyal ng ahensya na nakakaranas ng tunay na sitwasyon sa kalsada at sa pampublikong transportasyon.

Plano rin ng LTO na isama sa nasabing programa ang mga District at Satellite Office heads sa iba’t ibang panig ng bansa.