Naglabas ng 30-araw na preventive suspension order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa siyam na unit ng bus ng DLTB (Del Monte Land Transport Bus) kasunod ng isang madugong aksidente sa Pagbilao, Quezon na ikinasawi ng dalawang pasahero at ikinasugat ng 35 iba pa.
Naganap ang insidente sa national road sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza, bukod sa suspensyon ay nagpalabas din ng show cause order ang ahensya upang ipaliwanag ng kumpanya kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kanilang prangkisa.
Inatasan ang operator na magsumite ng maintenance records at ipasailalim sa masusing inspeksyon ang lahat ng apektadong bus upang matiyak ang kaligtasan ng operasyon.
Ipinag-utos din na ang drayber na sangkot sa aksidente ay sumailalim sa drug test at public safety seminar habang hinihintay ang pagdinig na nakatakda sa Mayo 7, 2026.
Muling nagpaalala ang LTFRB sa lahat ng public utility vehicle operators na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mga aksidente, lalo na sa mga long-distance na biyahe sa mga probinsya.
















