
Naglatag ng mga contingency plan ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa planong tigil-pasada simula sa mismong araw ng State of the Nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 24.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, nagkaroon sila ng dayalogo sa mga bus operator at tiniyak na mayroong sapat na mga pampublikong sasakyan para sa mga maaapektuhang mananakay sa tatlong araw na tigil-pasada.
Ipapakalat din ang rescue buses sa tatlong araw na transport strike para ma-assist ang mga stranded na commuters.
Humingi na rin ang ahensiya sa Philippine National Police na tumulong sa deployment gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ma lugar kung saan maaaring magkaroon ng gulo.
Nakahanda rin ang ahensiya sa mga sitwasyon kung saan posibleng mapilitang sumama sa transport strike ang iba pang tsuper ng dyip, paghahagis ng mga bato at paggamit ng spikes.
Karamihan aniya sa mga ruta na posibleng maapektuhan ng tigil pasada sa Metro Manila ay sa Quezon city, isa dito ay sa may Balintawak.
Base aniya sa headcount noong nakalipas na Biyernes sa mga sasama sa transport strike, nakasentro lamang ito sa Metro Manila at wala aniya sa Visayas at Mindanao.
Inaasahan aniya na sa Luzon partikular sa Region 4 ay posibleng mayroong maliit lamang na bilang ng lalahok.
Ibinunyag pa ni Guadiz na base sa kanilang pakikipagdayalogo sa 7 malalaking asosasyon, hindi sasama ang kanilang mga miyembro sa tigil-pasada.
Ayon pa kay Guadiz, layunin lamang ng transport strike na pahiyain si Pangulo.
















