-- Advertisements --

Magsasampa ng kasong kriminal ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang taxi driver at operator na inakusahan ng paniningil ng sobrang pamasahe sa isang South Korean singer sa Cebu.

Ayon sa LTFRB, bukod sa mga naunang administrative charges, kakanselahin din ang prangkisa ng operator. Ipapaimpound din ang taxi at makikipag-ugnayan ang ahensya sa Land Transportation Office (LTO) para sa posibleng pagbawi ng lisensya ng driver.

Nag-ugat ang insidente matapos mag-viral sa social media ang post ng K-pop idol na si Soobin ng TXT, kung saan ibinahagi nito na siningil siya nang sobra sa kanyang biyahe.

Mula kasi sa tinatayang P350 na pamasahe, umano’y pinagbayad siya ng P500 at kalaunan ay umabot pa sa P1,000.

Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, magsisilbing “test case” ang insidenteng ito para sa isang bagong polisiya na magpapahintulot sa agarang pagsasampa ng kasong kriminal at impounding ng mga taxi na mapapatunayang naniningil nang sobra sa kanilang mga pasahero.

“Enough is enough. Despite all the understanding the government has extended to these people, they still commit misconduct that brings shame to our country,” ani Mendoza.

Layunin ng ahensya na matuldukan ang paulit-ulit na reklamo laban sa mga pasaway na taxi driver at maprotektahan ang mga pasahero, gayundin ang reputasyon ng bansa.