Planong mag-isyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mas marami pang special permits sa iba’t ibang mga kumpanya bilang karagdagang masasakyan na bus ng mga pasahero.
Ito raw anila ang kanilang pagtugon sa pagkakasuspinde ng nasa 278 bus ng Solid North matapos maganap ang isang trahedyang ikinamatay ng ilang mga Pilipino.
Ayon sa kasalukuyang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na si Chairman Teofilo Jojo Guadiz III, ang pag-iisyu ng mga naturang special permits ay upang maibsan na rin ang pangamba ng publiko kung apektado ang bilang ng mga masasakyang bus.
Kung saan ipinaliwanag niya na makatitiyak umano ang mga pasahero lalo na ng mga sumasakay sa ruta ng Solid North na hindi maapektuhan ng lubusan ang pagkakasuspinde nito sapagkat aniya’y may mga itinalaga namang karagdagang bilang ng mga bus.
Kasabay din nito ang kanyang pahayag at pagseseguro na sila’y nakikipag-ugnayan na sa iba’t ibang mga kumpanya ng bus, partikular sa mga provincial busses na saluhin ang ruta ng pa-Baguio, Cagayan mapahanggang Laguna.
Kaya naman mariin pang inihayag ni Chairman Jojo Guadiz III na makaseseguro umano ang publiko na mayroong sapat na bilang ng bus ang masasakyan ng mga pasahero.
Kung saan isa pang ulit niyang sinabi sa pulong balitaan na ginanap sa lungsod ng San Juan ang pagtatalaga sa mga provincial busses na saluhin ang ruta ng Solid North.
Kaya’t gayon na lamang din ang kanyang paghimok sa mga operators at kumpanya na ihanda ang kanilang mga pampasaherong bus sapagkat ito’y plano pang idesignate simula ngayon.