Tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na kaniya nang isusumite sa Lunes, November 17, 2025, ang rekomendasyon ng ahensya hinggil sa hinihiling na dagdag-pasahe sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang naturang rekomendasyon ay nakabatay sa masusing pagsusuri ng datos, mga posibleng socio-economic impacts, at mga suhestiyon mula sa iba’t ibang sektor at rehiyon na dumalo sa mga isinagawang konsultasyon sa bansa.
Ikinokonsidera rin ng LTFRB ang tumataas na presyo ng krudo at operasyon sa kanilang pagsusuri.
Matagal nang isinusulong ng iba’t ibang transport groups ang panukalang P1 provisional fare increase, kasunod ng malaking pagtaas ng presyo ng langis noong Agosto 2025.
Noong Agosto, tinutulan ng LTFRB ang panukalang taas-pasahe, at sinabi nitong nagbigay na sila ng fuel subsidies sa halip na dagdagan ang pasanin ng mga pasahero.















