Nag-assume na bilang ika-27 PNP chief si Lt. Gen. Dionardo Carlos.
Sa isinagawang Change of Command Ceremony sa Camp Crame na pinangunahan ni DILG Sec. Eduardo Año, pinalitan ni Carlos si dating PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, na bumaba sa pwesto isang araw bago ang kanyang pagreretiro sa serbisyo sa November 13.
Pinasalamatan naman ni Carlos ang Pangulong Duterte sa pagtitiwala sa kaniya.
Sinabi ni Carlos na itutuloy niya ang Intensified Cleanliness Policy na sinimulan ni Gen. Eleazar at ang fiscal transparency na ipinatupad nina dating PNP chiefs retired Gen. Archie Gamboa at Gen. Debold Sinas.
Ngayon aniyang mababa na ang crime rate, sisiguradahin din niya na hindi na makakabalik sa kanilang dating gawain ang mga masasamang loob, sa pamamagitan ng pinalakas na kampanya kontra sa kriminalidad at Oplan Double Barel Finale “Version 2021” laban sa iligal na droga.
Hinimok naman ni Carlos ang lahat ng mga pulis na samahan siya sa paglilingkod sa bayan at patunayan sa mga Pilipino na mayroon silang pulisya na makapaghahatid ng pinakamahusay na serbisyo sa bayan.
Tutukan din nito ang nalalapit na eleksyon 2022.
Sinabi Carlos na sisikapin din niyang maging tahimik at nasa ayos ang gagawing pagboto ng mga Pilipino.
Kaniya rin ipagpapatuloy ang kampanya laban sa kriminalidad at terorismo.
Palalakasin din nito ang mga Police Area Command para mas maging agresibo sa paglaban sa insurgency at pagbuwag sa mga private armed group na posibleng magdala ng bahid sa eleksyon.
Dagdag pa ni Carlos, sisiguraduhin nyang hindi masasayang ang boto ng ating mga kababayan na walang bahid ng karahasan at katiwalian.