Binabantayan ngayon ng state weather bureau ang namataang low pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Base sa 24 hour tropical cyclone formation outlook ng bureau kaninang alas-8:00 ng umaga, namataan ang LPA sa layong 480 kilometers ng kanluran timog-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Subalit malabong mabuo ito bilang bagyo sa sunod na 24 oras bagamat magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.
Inaasahan namang parehong lagay ng panahon ang iiral sa Mindanao, Western Visayas, at Negros island dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Iiral naman ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dala ng easterlies sa Eastern Samar, Leyte at Southern Leyte.
Ibinabala naman ng bureau na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan na mararanasan sa nabanggit na mga lugar.
Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay makakaranas ng isolated rain showers o thunderstorms dahil sa easterlies.