Posible umanong mag-isyu ang Department of Justice (DoJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa inaakusahang drug queen na si Guia Gomez Castro.

Ayon kay DoJ Usec. Markk Perete, ang naturang ILBO ay para ma-monitor ang galaw ni Castro kapag lalabas at babalik dito sa bansa.

Nilinaw naman ni Perete na hindi ito magagamit para pigilan ang pagbiyahe ni Castro sa ibang bansa.

Puwede rin umanong i-request ng DoJ na ma-monitor ang galaw ni Castro sa pamamagitan ng Interpol channels.

Sa ngayon, inaalam na raw ng DoJ kung may pending criminal case pa ang suspek.

Kahapon nang kumpirmahin ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na sa bansa si Castro.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, lumalabas sa bansa si Castro isa o dalawang beses kada buwan.