Nasa “crisis point” na ang banta ng COVID-19 sa London dahil sa malapit nang mapuno ang mga ospital doon bunsod nang pagkalat ng mas nakakahawang variant ng coronavirus.
Ayon kay London Mayor Sadiq Khan, mapupuno na ang mga hospital beds sa mga susunod na linggo dahil “out of control” na ang pagkalat ng bagong variant ng COVID-19 sa buong United Kingdom.
Maituturing na aniya itong “major incident” dahil ang Britain na ang siyang ikalimay sa may pinakamaraming death toll bunsod ng COVID-19 sa higit 78,000, bukod pa sa umaaray na rin ang kanilang ekonomiya.
Sinabi ni Khan na isa sa kada 20 katao sa ilang lugar sa London ay tinamaan na ng virus, kaya hindi na rin magka-ugaga ang demand sa ambulansya dahil sa aabot na sa 9,000 ang naitatalang emergency calls kada araw.
Idinideklara ang “major incident” sa tuwing mayroong pag-atake o malubhang aksidente, lalo na iyong mga mapinsala at nakakagambala sa buhay ng tao, essential services, kapaligiran o national security.
Huling idineklara ang “major incident” sa London nang magkaroon ng sunog sa high-rise residential block noong 2017, kung saan 72 katao ang namatay. (Reuters)
















