Tinitingnang motibo ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagganti ng isang local terrorist group (LTG) sa madugong pananambang sa Maguindanao del Sur noong katapusan ng linggo na kumitil sa buhay ng limang pulis at sumugat sa tatlong iba pa.
Sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, kinumpirma ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na nagsasagawa na ng mga follow-up operations ang Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO BARMM) laban sa mga suspek.
Tinatayang aabot sa sampung armadong kalalakihan ang umatake sa mga biktima.
Bagama’t tumanggi ang opisyal na pangalanan ang tinutukoy na LTG, ibinunyag nito na nagtamo ng pagkatalo ang grupo sa serye ng mga matagumpay na operasyon at pag-aresto na isinagawa ng tropa ng pamahalaan mula pa noong Oktubre.
Nilinaw naman ng ahensya na walang nakikitang koneksyon ang mga imbestigador sa pagitan ng insidente at ng pagpapaliban ng BARMM parliamentary elections o maging sa anibersaryo ng New People’s Army.
Kinumpirma rin ni Tuaño na nasa ligtas na umanong kalagayan o out of danger na ang tatlong sugatang opisyal.
















