Hindi kinumpirma ng Philippine National Police na pabulaanan ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na nakatanggap umano siya ng impormasyon tungkol sa posibleng paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Allen Rae Co, ang pag-isyu ng warrant ay nasa hurisdiksyon ng hukuman at hindi aniya tungkulin ng pulisya na maghayag ng impormasyon hinggil sa mga warrant na inilalabas ng hukuman.
Gayunpaman, tiniyak ng PNP na agad nilang isisilbi ito na naaayon sa tamang proseso alinsunod sa umiiral na batas.
Samantala, sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na bago magkaroon ng arrest warrant, kinakailangan munang may nakasampang kaso sa korte.
Kung saan wala siyang nalalamang kasong naisampa laban kay Marcoleta sa Sandiganbayan na maaaring magresulta sa paglalabas ng warrant.
Nauna nang sinabi ni Marcoleta sa isang panayam na handa siyang sumama nang mapayapa sa mga awtoridad kung sakaling arestuhin.
Kaugnay ito ng mga reklamong plunder at indirect bribery na iniuugnay sa umano’y hindi pagdedeklara ng ilang campaign contributions mula sa ilang indibidwal.
Mariin namang itinanggi ni Marcoleta ang mga alegasyon at iginiit na gawa-gawa lamang umano ang mga kaso upang siya ay patahimikin lamang.
















