CEBU – Binawi na ang ipinatupad na lockdown sa Sitio Zapatera, Barrio Luz, Cebu City.
Ito ay matapos nagpatupad ng polisiya ang Cebu City government at ang pamunuan ng Barrio Luz para maiiwasan ang paglala pa ng problema sa lugar dahil sa COVID-19.
Sa impormasyon mula sa Cebu City government nakipag-ugnayan na ang city government sa otoridad at sa Cebu City Health Department para sa opisyal na pagbawi ng lockdown sa Sitio Zapatera.
Umabot sa 51 na mga pasyente na nag-negatibo sa COVID-19 ang naka-uwi na sa kani-kanilang mga tahanan sa naturang lugar. Sa ngayon nasa mahigit isang daan na ang kabuuang bilang sa mga naka-recover sa sakit sa lungsod ng Cebu.
Maaalala na naging epicenter ng COVID-19 cases ang Sitio Zapatera, Barrio Luz sa lungsod ng Cebu matapos itong nakapagtala ng daan daang kaso ng COVID-19.
Ito rin ang pinakaunang lugar sa buong Cebu City na isinailalim sa lockdown dahil sa banta ng coronavirus.