CAUAYAN CITY – Muling nagpatupad ng lockdown ang pamahalaang Italya dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rhoderick Ople, presidente ng OFW Watch Italy, sinabi niya na sa bisa ng nilagdaang kautusan ng kanilang prime minister magsisimula ang lockdown ngayong araw ng Huwebes November 5 hanggang December 3, 2020.
Batay sa naturang kautusan, ang Italya ay mahahati sa 3 bahagi na batay sa mga sitwasyon: ang maximum risk, high risk at average risk at muling magkakaroon ng paglimita sa operasyon ng mga establishemento at commercial buildings gayundin sa paglabas at paggamit ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Ginoong Ople, sa nakalipas na araw ay libu-libong positibong kaso ng COVID-19 ang naitala na kinabibilangan ng ibang mga OFW matapos na luwagan ang ilang restriction sa naturang bansa.
Aniya, aasahang muling mawawalan ng trabaho ang ilang OFW na karamihan ay nagtatrabaho sa turismo.
Gayunman ay may hakbang ang pamahalaan ng Italya na mabibigyan ng ayuda ang mga maapektuhan ng naturang lockdown.